Dito sa Pilipinas ay may isang naitalang digmaan na halos ang buong bayan ang nasangkot. Ngunit wala itong kinalaman sa pulitika at wala ring nangyaring putukan at sagupaan ng mga puwersa. Sa katunayan, isa itong uri ng digmaan na kilalang-kilala ng bawat sabongero sa bansa. Ito ay ang '2020 PFGB Digmaan National Stag Derby.'
Ang 'Digmaan National Stag Derby' ay hatid ng Pambansang Federation ng Gamefowl Breeders, Inc sa pangunguna ng Presidente nito na si Wilson CP Ong. Ito ay kinabibilangan ng iba't ibang mga local gamefowl associations sa buong Pilipinas at ito ay taunang ginaganap sa iba't ibang parte ng bansa at nagtatapos sa isang grand finals na ginaganap sa Manila. Ngunit sa taong ito may kaibahang nangyari. Dahil nga sa umiiral na pandemya ng COVID- 19, ito'y napagdesisyonan na gawin na lamang sa lokal na antas. Kaya isinagawa na lang muna ng bawat asosasyon sa bansa ang naturang derby.
Isa na sa mga asosasyon na nagwagi sa pagsasagawa ng '2020 PFGB Digmaan National Stag Derby' ay ang Gamefowl Breeders of Laguna, o GBLAG, sa pamumuno ni Mina Ortega. Sa ginawa nilang 'Digmaan' may mga '3-Stag Eliminations' na nangyari noong November 18, November 22, November 28, December 4, December 8, at December 12, 2020 sa iba't-ibang cockpit at coliseum sa Laguna. Samantala, ang kanilang '4-Stag Finals' ay naganap noong December 15, 2020 sa Argem Coliseum.
Sa tinagurian nilang 'PFGB Digmaan National 7-Stag Derby 2020,' nakakuha ito ng walumput dalawang entry sa '4-Stag Finals' at nagkaroon ng halos dalawang daang labanan noong December 15, 2020 sa Argem Coliseum. Matindi ang naging sagupaan at isa lang ang masasabi nating 'natirang matibay.' Si Ginoong Jayferson Berberabe at ang entry niyang 'Villa Bonita' ang tanging naging kampeon sa pagkakakuha nito ng 'Straight 7 Wins.' Naghatid naman ng pagbati ang pangulo ng GBLAG na si Mina Ortega sa nag-iisang champion mula sa Laguna.
Ang 'PFGB Digmaan National Stag Derby' ay isa sa pinakasikat at pinakamalaking 'Sabong Event' na tradisyon ng ginaganap taun-taon. Kaya naman marami ang natuwa na natuloy pa rin ito ngayong taon kahit hindi pa normal ang ating sitwasyon. At dahil dito, malaki ang pasasalamat ng GBLAG, lalo na sa tagumpay ng kanilang isinagawang 'Digmaan.'
Ito ang inabot na mensahe ng pangulo ng GBLAG sa lahat ng sumoporta at nanalo sa kanilang '2020 National Stag Derby:' "Again, I wish to thank all our participants, GBLAGers and non-GBLAGers who joined the DIGMAAN NATIONAL 7-STAG DERBY 2020, most especially to our solo Champion in Laguna. You fought so hard. Dampot na lang ang inilaban sa huli, puno ang butse, naulanan, at nanggaling sa mahabang biyahe pero nagwagi pa din sa huli. Salamat din sa kooperasyon ng nga partner na sabungan: NEW BAY COCKPIT ARENA, CABUYAO COLISEUM AT ARGEM COLISEUM. Salamat din sa confidence at suporta mula sa pamunuan ng PFGB DIGMAAN - sa pangunguna ng aming Pres. Wilson Ong."
Idinagdag din ni GBLAG President Mina Ortega na ang mga ganitong uri ng Sabong ay para sa buong sambayanan at marami pa ang darating. "Asahan nyo po na tuloy-tuloy tayo - ang GBLAG kasama ang DIGMAAN na magtataguyod ng traditional, mainstream sabong sa bansa. Pantay, makatarungan at para sa lahat."
Ang pagpapatuloy ng 'Digmaan National Derby' ngayong taon ay hindi lamang isang magandang pamaskong regalo para sa mga sabongero, kundi isa ring pagkilala na dapat manatili ang isang tradisyon ng Sabong na mahalaga para sa mga libo-libong magmamanok ng Pilipinas.
Comments